Ang Magkabilaan ay inawit ni Joey Ayala kasama ang Bagong Lumad. Ito ay isang madamdaming awit na punung-puno ng mga aral sa buhay. Nagatataka nga din ako kung patama ba ito sa nakaraang administrasyon sapagkat may mga linya dito sa awitin na tumutukoy sa mga gawain ng administrasyong Arroyo. Inisip ko na lang na ito ay para sa lahat at hindi lang sa mga iilan.
Noong una ayaw kong pakinggan ang kantang ito kasi alam kong nakakainip itong pakinggan, walang buhay, syempre, parte ito ng aming proyekto kaya yun pinakinggan ko din at tsaka alam ko namang may makukuha naman ako sa kantang ito. Ilang beses ko ding pinakinggan ang awit. Sa una, hindi ko talaga makuha ang mensaheng nais ipaabot nito sa akin, Sa mga sumunod pa unti-unting lumilinaw kung bakit magkabilaan ang pamagat nito. Ano nga ba ang nais iparating ng kantang magkabilaan?
Magkabilaan, tulad ng nabanggit ko kanina, ito ay inawit ni Joey Ayala kasama ang Bagong Lumad. Ang unang sumagi sa isip ko ng hindi ko pa ito napapakinggan, syempre, magkabilaan - ibig sabihin may dalawang panig o mayroon dito mayroon doon. Hindi naman ako nagkamali sa aking palagay tungkol sa kanta kahit papaano ay may kaugnayan naman ito.
Mahigit apat na minuto din ang kanta pero halos iisa lang ang nais nitong ipalahgay na "magkabilaan ang mundo." Paano ba ito naging magkabilaan? Ayon sa kanya, ang mundo ay magkabilaan sapagkat ito ay binubuo ng dalawang pangmalawakang pangkat. Halimbawa, ang mga mayayaman at mahihirap, ang mga makapangyarihan at mahihina at marami pang iba. Sinasabi din nito na ang maaaring tama sa iyo ay mali sa iba. Napakaraming sinabi ng awit tungkol sa dahilan kung bakit magkabilaan ang mundo. Napakarami ding mga linya ang nakapukaw ng aking atensyon, isa na dito ang "may mga haring walang kapangyarihan". Nagtataka ako, papaanong nangyaring hari ka pero wala kang kapangyarihan? Napaka-ironic, hindi ba? Isa pa dito ang " mayroon ding alipin na mas malaya pa sa karamihan". Isa pa ito sa mga nakakalitong linya. Papaano na namang ang isang alipin ay malaya? May mga linya talaga na hindi ko maintidihan tulad ng mga nabanggit ko kanina pati ito; "may mga pinapaslang na nabubuhay ng walang hanggan." Napaka-ironic talaga ng kantang ito. Siguro gusto din niyang sabihin na ironic ang mundo kung kaya't gumamit siya ng mga ironic na pahayag. Ironic ba talaga ang mundo?
Napakabigat din ng mga linya sa bandang hulihan ng kanta. Tulad na lang nito: "pumanig ka pumanig ka hwag nang ipagpaliban pa ang hindi makapagpasiya ay maiipit sa gitna." Parang sinasabing kailangan ang bawat isa ay may pinanghahawakan o paniniwala o paninindigan at ang hindi nanindigan ay maiipit sa dalawang panig. Marahil ang mga naipit sa gitna ay ang mga walang pakialam sa mundo, mga ignorante o kaya naman mga balimbing. Aminin man natin o hindi minsang nangyayari ito sa atin. Hindi tayo makapagpasiya kung saan papanig marahil natatakot tayong makasakit o kaya naman parehong mahalaga ang dalawang panig sa atin. Gayunpaman, para maiwasang maipit sa mga ganyang sitwasyon magkaroon ka ng paninindigan. Syempre kung may paninindigan ka, kailangan nasuri mo ito nang mabuti ng sa huli hindi ka magsisi kung bakit pinaglaban mo ito. Kailangan alam mo ang pinaninindigan mo dahil laging may sisira dito. Hindi naman lahat ay kakampi mo, meron at merong mga iilan na kokontra sa iyo kung kayat kailangan lagi kang matatag at laging buo ang iyong loob. Sabi nga ng hulihan ng kanta, " suriin ang iyong paninindigan pagkat magkabilaan ang mundo."
Magkabilaan ba talaga ang mundo? Kung magkabilaan nga ito, paano ito magiging isa? Mapag-iisa kaya ito? Gayunpaman, kailangan ikaw, ako, kayo, tayo, may iba-iba man tayong paniniwala at pinaninindigan hindi ba't napakasaya kung nagkaka-isa tayo? Respeto. Pang-unawa. Pagmamahal. Ang ilan sa magiging dahilan kung bakit nagkaka-isa tayo. Hwag nating itanim sa ating mga isipan na magkabilaan ang mundo bagkus gamitin natin itong inspirasyon para mabuo natin ang nagkaka-isa at nagmamahalang mundo.
`Mamangun, Jay Rick Y Martin
`BS ECE 1-C
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento