Hindi Ito Biro!: Pinakanakakainis na Pangyayari Ngayong Christmas Break 2011

Linggo, Disyembre 18, 2011

Pinakanakakainis na Pangyayari Ngayong Christmas Break 2011

                Ang Hindi Dapat

Ika-18 ng Disyembre taong kasalukuyan, habang nag-iisip ako ng isusulat para sa paksang nakakainis na bagay tuwing Christmas Break, biglang pumasok sa isip ko na madalas pa lang kulang ang miyembro ng pamilya tuwing Pasko. Seaman kasi ang tatay ko kaya madalas hindi namin siya nakakasama tuwing Pasko. Ang nakakainis lang, ngayon natsempo na sa Enero pa ang alis ng tatay ko subalit hindi pa rin kami makukumpleto sa darating na Pasko dahil wala ang ate ko. Nagtatrabaho kasi siya kaya hindi siya makakauwi. Minsan ko lang maranasan na nandito ang aming ama tuwing Pasko pero gayunpaman hindi na siguro importante kung kumpleto man kami ngayon. Alam ko naman na hindi kami nag-iisa. Alam ko naman na mayroon pang mas malala kaysa sa pamilya namin. Bakit pa ako malulungkot? Pasko ngayon, NO SPACE para sa pagkainis at kalungkutan!

Tumigil muna ako sa pag-iisip, napagod na kasi ako kaya nanuod muna ako ng telebisyon. Inilipat ko ang istasyon sa Channel 2, Lumang Tao Bagong Taon ang palabas, isang dokumentaryo tungkol sa pamumuhay ng mga Agta o ang mga katutubo sa bulubundukin ng Sierra Madre. Habang pinapanuod ko ang palabas hindi ko mapigilang maguilty at mainis sa aking sarili. Ang sabi ko sa sarili ko, "Wow! Buti pa sila kahit hindi maganda ang kalagayan nila sa buhay ay kumpleto ngayong darating na pasko." Oo, kahit na napakapayak, napakahirap at napkamakaluma ng pamumuhay nila, nababakas ko sa mga mata nila na masaya sila. At ang bagay na ito ang pinakakinainisan ko noong napanuod ko ang dokumentaryong iyon ay kahit na napakahirap ng buhay nila ay nakuha pa rin nilang makapagpasalamat sa Diyos. At sabay tanong sa aking sarili, "Wow! Sa kalagayan nila, hindi ba dapat nagrereklamo sila?" Humanga ako sa kanila. Nakadama na naman ako ng pagkaguilt at pagka-inis sa aking sarili. Nagi-guilty ako sapagkat ako na hindi na kailangang sisirin ang dagat para magkapagkain lang ay minsang kinekwesyon ang Diyos pero sila ay puro pasasalamat at papuri ang inihahandog sa Diyos. Nakakainis lang na kung minsan ang ilan sa atin iniisip na napakahirap na nang pinagdadaanan, ang hindi nila alam ay may mas malubha pa sa pinagdadaanan nila.

Inilipat ko ulit ang istasyon sa Channel 54, ANC o Abs-cbn News Channel at napanuod ko ang balita na may kinalaman sa bagyong Sendong. Ayon sa balita, mayroong 345 na katao o  na ang namatay dahil sa bagyo. Nakadama na naman ako ng pagkaguilt dahil naging masyadong makitid na naman ang pag-iisip ko. Paano pa ako magrereklamo kung alam kong may ilang mga pamilya ang nawalan ngayong papalapit na ang Pasko. Siguro ang maitutulong ko na lang ay ang ipagdasal sila. Wala na dapat samaan ng loob ngayong Pasko. Bati-bati na dapat ang lahat. Wala na tayong dahilan para hindi magkapatawaran. Wala na dapat tayong ikainis at ikalungkot ngayong Pasko. Wala na dapat lugar ang mga ito sa ating mga puso bagkus punuin ito ng pagmamahal at pasasalamat.

Paano mo pa makukuhang magreklamo kung ang mga Agta nga ay nahihirapan na ay nakukuha pang makapagpasalamat sa Diyos? Maiinis ka pa ba dahil hindi kayo kumpleto ngayong Pasko? Paano na lang ang mga namatayan at nasalanta ng bagyo na hindi na magiging kumpleto ang Pasko?

Mamangun, Jay Rick Y Martin
ECE 1-C

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento